Panalangin Para sa Pagdiriwang ng Taon ng Dalawang Puso

O Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, Ang aming bansa ay puno ng mga sugat at pagkakawatak-watak. Ito ang nagbubunsod upang kami ay agad kumilos nang may kasigasigan. At tugunin ang mga pagsubok na kinakaharap namin sa kasalukuyan. Nagkakawatak-watak ang aming bayan Ang aming puso ay pinagpira-piraso ng iba’t ibang kasalanan.At pinanghihina ng kawalan ng ganap na pananalig sa Iyo. Hinihiling naming lagi Mong ipadama ang presensiya ng Iyong Mahal ng Puso, upang kagaya nito kami ay mabuo at muling mabuklod. Taglay ang pananampalataya sa Iyo at pagmamahal sa aming bansa, Nais naming makibahagi sa pagpapanibago ng mga mamamayan, angkan, pamunuan at ng aming lipunan.

Nawa ang kapangyarihan ng iyong mapagmahal na puso ang maging bukal ng ganap na kasiglahan at matibay na inspirasyon,Isang nag-aalab na apoy na makapagpapabago ng aming buhay bilang indibidwal at bilang isang bayan.

Mapagmahal ng Puso ng Hesus, Bigyan Mo kami ng sapat na lakas at pagsusumikap.

Maunawaing Puso ni Hesus, Turuan Mo kaming manalangin at kumilos nang may pagasa at pagmamahal ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, kaawaan mo kami.

Kalinis-linisang Puso ni Maria, ipanalangin mo kami.