Panalangin Para sa mga Pari

Panginoon Hesus, higit kanino pa man, mahal Mo ang iyong mga Pari. Sa pagdiriwang namin ng Taon ng Kaparian, itinataas namin sila sa Iyo. Sapagkat batid namin na sa kanilang matalik na pakikipag-ugnayan sa Iyo ang kanilang mga puso ay nahuhubog katulad ng sa Iyo. Loobin Mo na ang kanilang mga puso ay mag-alab sa pag-ibig sa mga kaluluwa. Gawin Mo itong sintigas ng bakal upang mapanatili ang kanilang kalinisan. Palambutin Mo ito upang maging mahabagin sa mga nagbabalik-loob at sa mga nangangailangan. Pagkalooban Mo po sila ng pusong walang kapaguran sa pagbabasbas, pagtuturo at pagpapatawad. Makaakit nawa ang nag-aalab Mong pagibig ng marami pang mga tao na nagnanais matularan ang Iyong puso upang kanilang maipadama ang pag-ibig na mula sa Iyo sa mga taong kanilang pinaglilingkuran. O Panginoon, maisabuhay nawa nila ang buhay na nais Mong ibahagi sa kanila – isang buhay na napakadakila! Sumakanila nawa ito at sa pamamagitan nila ay makamtan din namin ito. Amen

Mahal na Birhen Maria, Ina ng mga pari, Ipanalangin mo kami.

San Juan Maria Vianney, Ipanalangin mo kami.